Tanggal na sa gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sina Solicitor General Menardo Guevarra at Commission on Higher Education (CHED) Chair Prospero de Vera III matapos tanggapin ang kanilang courtesy resignation.
Sa press conference, sinabi ni Exe¬cutive Secretary Lucas Bersamin na si Guevarra ay papalitan ni Darlene Berberabe, ang kasalukuyang dean ng College of Law ng University of the Philippines.
Si CHED Commissioner Shirley Agrupis, dating presidente ng Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte naman ang papalit kay De Vera.
Nanatili naman sa kanilang puwesto sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Nauna nang ini-report ng politiko.com.ph na si Berberabe ang uupong solicitor general kapalit ni Guevarra. Kamakailan lamang ay tumanggi si Guevarra na ipagtanggol ang mga opisyal ng gobyerno sa kasong isinampa ng pamilya Duterte kaugnay ng pag-aresto at pagpapakulong kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa International Criminal Court sa Netherlands.
