Hinding-hindi na malilimutan ni Sylvia Sanchez ang karanasan niya sa 2025 Cannes Film Festival, na kung saan ay nakasali nga ang pelikulang prinodyus niya, kasama si Alemberg Ang, pati na ang iba pang prodyuser mula sa Singapore, France, Japan, ang ‘Renoir’ na isang Japanese film.
Ang bongga-bongga naman kasi ng karanasan niya, na rumampa siya sa red carpet, kasama ang iba’t ibang sikat na personalidad sa buong mundo, ha!
Aba, kahit naman sino ay matutuwa at matutulala kapag nakasama mo sa isang event ang mga tulad nina Cate Blanchett, Halle Berry, James Franco, Elle Fanning.
Heto nga ang nakakaliw na kuwento ni Sylvia tungkol sa mga personalidad na nabanggit, na naranasan nga siya sa 2025 Cannes Film Festival.
“Tuwang-tuwa kami ni Alem, smile lang kami nang smile. Sulit na sulit, na may nakakatabi kaming mga Hollywood stars. I mean, bilang artista rin, siyempre isa rin `yon sa magpapasaya sa iyo, na makita mo ang mga idol mo.
“Nag-fangirling talaga ako. Hahahaha!
“Ang una kong nakita, galing ako ng banyo, nakita ko si Cate Blanchett. Natulala ako. Kuha ako ng fone, wala na, nakalampas na siya. Siyempre si Cate `yon, idol mo, ang galing na artista, pinapanood mo lang.
“Nanggigil ako, kasi hindi ko nakuhanan. Then, nag-banyo ako ulit, tapos paglabas ko, nakita ko si Halle Berry. Halos katabi ko talaga.
“Then, may mga Italian actress din.
“Pero bumilib talaga ako kay James Franco, at sanay ako makakita ng mga Hollywood actor na mahirap talagang magpa-picture sa kanila. As in mahirap talaga, at tumatanggi talaga sila.
“Pero itong si James Franco, iba. Kasi may kausap ako, tapos may isang lalake na nakatalikod, tapos sabi noong kausap ko, ‘James’? Tapos ako naman, eh, lumampas na siya, sabi ko, ‘James Franco’?
“Humarap siya sa akin, tapos nag-sign siya ng parang peace. Ako kasi, parang noong time na `yon, nabanggit ko lang ang name niya, tapos pumasok na siya sa room.
“After 5 minutes, bumalik siya. Eh, ako naman, may kausap nga, at hindi ko naman ini-expect na babalik siya.
“Noong nakita niya ako, tinawag na niya ako, at nag-picture kami. Sabi ko, ‘Oh my God, Hollywood actor ito, bumalik siya para sa picture’. Sabi ko lang, ‘Thank you, thank you James’.
“Gumaganun (thumbs up) lang siya. Ang saya.
“And then, sa awarding, makikita mo na nasa harap ko lang sila. And then, may nakita ako na super ganda. Eh, medyo malayo. At hindi ko ini-expect na pagtayo ko, pagharap ko sa asawa ko (Art Atayde), katabi niya mismo si Elle Fanning.
“Sabi ko, okey, sulit na. Hahahaha!
“Natutuwa ako, kasi artista rin ako, at fan din ako. Kaya nakakatuwa.
“At natutuwa ako na bilang producer, ang bilis ng pag-level up ng Nathan Films, na nakapag-red carpet na agad. At sa tulong `yon ni Alemberg.
“How I wish na marami pang producer na tulad niya, na hindi madamot!” sabi ni Sylvia.
Well, marami ngang pelikula pang pagsasamahan sina Sylvia at Alemberg, at isa na nga riyan ang ‘Ria’ na plano pa rin nilang isali sa Cannes Film Festival.
So, bongga! (Dondon Sermino)
