SUMINGASING ang mga hitter na sina Michaela “Bella” Belen at Angel Anne Canino, maging si Alyssa Solomon, para buhatin ang Alas Pilipinas women umaga ng Huwebes sa semifinals nang gulantangin ang dating walang talo na Kazakhstan sa pagwalis nito sa loob ng tatlong set, 25-21, 25-15, 25-19, sa 2025 AVC Women’s Volleyball Nations Cup sa Hanoi, Vietnam.
Ang malaking upset na panalo ay hindi lamang nagtulak sa Alas Women para sumampa sa semifinals sa kabuuang 4-1 panalo-talong karta kundi naagaw din nito ang unang puwesto sa Pool B habang hinihintay ang buong resulta sa dalawang grupo na eliminasyon.
Nagtabla ang nationals sa tuktok ng Pool B play na may 4-1 record katulad ng Kazakhstan bagaman pumangalawa ang huli dahil sa mas mababang puntos.
Ang dalawang koponan ang sasampa sa semifinal round ng torneo, hinihintay pa ng Alas Women ang kanilang makakasagupa.
Naipaghiganti din ng Pilipinas ang nalasap na kabiguan sa mga Kazakhs na naghulog sa Alas Women para umusad sa inaasam na kampeonato sa torneo nakaraang season.
Binitbit nina Belen at Canino ang Alas, nagtapos ang una na may 16 puntos mula sa 14 atake at 2 blocks habang si Solomon ay may 14 puntos mula sa 11 attack, 1 block at 2 aces.
Si Canino ay may 13 puntos mula naman sa 11 attacks, 1 block at 1 ace.
Humulagpos ang Pilipinas sa unang dikit na simula ng naunang dalawang set sa huling bahagi bago tuluyang itinala ang maigting na paglalaro sa ikatlong set para masigurado ang panalo.
Ang Kazakhstan, na naglaro nang walang leading scorer na si Sana Anarkulova, ay nanguna ng dalawa, 11-9, para tapusin ang 6-1 run matapos ang pag-atake ni Belchenko.
Gayunman, bumawi ang Alas sa palitan ng puntos upang maitala ang upset na panalo.
Tumulong sina Fifi Sharma at Dell Palomata na may tig-limang puntos para sa Alas.
Si Tatyana Niktina ang nag-iisang double-digit scorer para sa Kazakhstan na may 12 markers, nagdagdag ng siyam na puntos si Margarita Belchenko habang may anim na puntos si Perizat Nurbergenova.
Maghihintay na ngayon ang Pilipinas sa semifinals at sasabak sa second seed ng Pool A, kasalukuyang hawak ng host Vietnam ang 3-0 record habang nasa 2-1 ang Chinese Taipei at pangatlo ang Hong Kong sa 2-2. (Lito Oredo)
