ISANG panibagong malawakang sibakan ang muling naganap sa koponan ng University of the East (UE) Lady Warriors matapos alisin ang buong coaching staff at halos kabuuan ng lineup nito ng pamunuan ng Athletic Department dulot ng nagtapos na kasunduan sa Strong Group Athletics at ang kuwestiyonableng pag-ipit sa Shakey’s Volleyball Program Fund.
Inihayag ni dating interim coach Allan Mendoza sa Abante Sports, na isa sa mga tinanggal na coaches kasama sina coach Kingashane Fernandez at Rogil Pablo, gayundin ang ilan pang utilities, na pinakawalan ng Athletic Department sina team captain Kayce Balingit, Mary Christine Ecalla, Ashley Canete, Lautriz Ginoo, Roan Jane Enriquez at Keshia Famulagan ng walang anumang tamang proseso.
Idinagdag ni Mendoza na mismong ang UE Athletic Department ang nagnais na tanggalin ang sponsorship sa SGA, na naging malaking dahilan upang mag-alisan noong isang taon sina coach Doc Obet Vital at sumunod ang mga manlalaro na sina rookie sensation Cassey Dongallo, playmaker Kizzie Madriaga, hitter Gelai Gajero, Gracen Fernandez, at Jenalyn Umayam patungong University of the Philippines (UP) Lady Maroons, habang sina Yesha Rojo at Claire Castillo ay tumalon naman sa De La Salle-College of Saint Benilde Lady Blazers para sumama kay dating UE coach Jerry Yee.
“It is because na may banta before pa ang bagong start ng 87th UAAP season campaign. Nagkaroon ng problema between SGA at athletic department. I think nagsimula sa hindi pagkakaintindihan noong umalis si sir (Rod) Roque. ‘Yung successor niya naging problema, kasi nagkaroon ng commotion between SGA and athletic department,” paglalahad ni Mendoza, Huwebes, sa Abante Sports.
“So nung nagsimulang umalis sina Doc Obet, nagdesisyon na rin ang sponsor na ilipat si Cassey, kasi nawala na iyung sponsor, tapusin na lang at the same time iyung contract. Nagkaroon na ng mistreatment sa amin and even sa supplies kinukulang kami kahit sa mga bolang ginagamit namin compared sa ibang volleyball teams sa UE,” pahayag ni Mendoza, na mas lalo umanong tumindi ang trato sa koponan nang hingiin na nila ang Shakey’s Fund noong Setyembre bilang kanilang pamamaraan para suportahan ang kanilang mga kakulangan, higit na sa recruitment at iba pang pambili ng kagamitan at kabuuang pangsuporta.
“Mas lalong lumala, nung sinubukan naming kunin iyung Shakey’s fund to help the program, para magamit sa recovery meal, gamit at iba pa. September pa lang, bago magsimula walang ibinibigay sa amin, 11-16 pieces lang ang bola namin na mga luma na,” eksplika nito.
Nabigo umano silang makuha ang pondong aabot sa mahigit P900,000 at ang tinatayang aabot sa mahigit P1.4 million bilang financial assistance volleyball program ng Shakey’s. Binibiyayaan ng Shakey’s ang bawat participating school sa kanilang Shakey’s Super League Pre-Season Championship ng suporta galing sa NCAA at UAAP colleges. (Gerard Arce)
