Napakahalaga ng tubig sa ating araw-araw na pamumuhay. Ginagamit ito sa paglilinis ng bahay, paghuhugas ng pinggan, paglalaba, at lalo na sa panahong mainit para sa paliligo at pagpawi ng init. Sabi nga ng marami, kaya pang tiisin ang brownout, huwag lang mawalan ng tubig. Pero paano kung hindi lang tubig ang iniipon ng mga kababayan natin, kundi pati na rin ang sama ng loob?
Sa aming opisina, taon-taon ay may dumadagsang mga reklamo tungkol sa mga water concessionaires. Hindi ito bagong isyu. Kaya isinulong na namin ang Senate Resolution No. 1352 para imbestigahan ang mga “disadvantageous provisions” sa ilang joint venture agreements (JVA) sa ilalim ng public-private partnerships (PPP). Kabilang dito ang PrimeWater, Manila Water, na pinuna na rin natin noong 2019, pati na ang Metro Pacific Water. Mismong ang Commission on Audit (COA) na ang nagsabing may mga iregularidad sa JVA kaya dapat na itong aksyunan.
Ano-ano ang mga reklamo? Hindi lang mga direct messages o email ang nakukuha namin, kahit sa media at social media, nakakapag-monitor kami ng kakulangan sa suplay, maduming tubig, at serbisyong kapos sa kalidad. Sa kabila nito, kahit pa nga hindi raw nila ngagamit ang tubig sa sobrang dumi at mas lamang daw ang kanilang pag-iigib, patuloy pa ring tumataas ang singil sa kanila. Halimbawa, sa Bulacan, may mga household na umaabot sa P1,000 ang buwanang bill kahit na halos walang lumalabas na tubig sa gripo.
Ang public-private partnerships gaya ng water concessionaires ay may PPP Center na nagre-regulate niyan. Wala pang guidelines para tugunan itong mga issue ng ating mga kababayan. Kahit sa paraan ng renegotiation ng JVA, wala pang guidelines. Kailangan din repormahin ang sistemang ito.
Dumarating sa amin ang mga ulat mula sa Bulacan, Tarlac, Tagaytay, ilang bahagi ng Visayas, at pati sa Bicol, lalo na sa Camarines Norte. Lumalawak ang mga lugar na apektado ng kapalpakan ng mga concessionaire.
Kaya ngayon, panahon nang aksyunan ito sa Senado. Sa pamamagitan ng aming imbestigasyon at rekomendasyon, makakatulong kami sa pagpapabuti ng serbisyo, pagpapatibay ng mga kontrata, at paggising sa mga oversight bodies tulad ng Local Water Utilities Administration (LWUA) para gampanan ang tungkulin nila.
Hindi katanggap-tanggap ang papatak-patak na serbisyo at sinisingil pa kahit halos walang tubig. Hindi pwedeng palagpasin ang mga kontratang sinlabo ng tubig. Panahon na para singilin ang mga concessionaire at ang mga ahensyang dapat gumagarantiya ng ating karapatang magkaroon ng malinis at sapat na suplay ng tubig.
